“Ako? Maligaya na akong nanonood sa mga taong nananalo sa gameshows. Okay na sa akin iyon. Pero mas malupit kung ako ang pinapanood at ako ang mananalo! I’M SUCH A WINNER!”
-Glaiza
(Malay ko kung may quote nang ganyan basta ako nagsabi niyan!)
-open curtains-
PROLOGUE:
“Alam mo, dalawang beses na kami bumabagsak sa audition. Nung una, dahil na-black out ako. Iyong pangalawa naman, malamya at mahiyain ang kasama namin. Sabi nung judge, kung dalawa lang kami, pasado na kami. Kaso ang kailangan tatlo. Hay…“ sabi ni Kuya.
“Talaga? Naku kawawa ka naman. Sige, sasamahan ko na kayo para naman pumasa na kayo. Hehe!“ ang pagsagot ko na may halong pagbibiro at pagyayabang.
Hindi ko akalain tototohanin ni Kuya ang sinabi ko. Nagpalamig kami ng ilang linggo, nagpunta sa audition na false alarm kasi wala pala nang dalawang beses. Pero, nang magdaan ang isang Sabado kung saan may pa-audition na talaga, nag-audition na kami. Tangan ang kapal ng mukha, lakas ng loob, saktong pamasahe, at 2 rice mula sa almusal at isang bibbong-bibbong bading na kaibigan, ayun!
Nakuha na kami sa wakas!
SCENE 1:
Ang akala ko, ang pagsali sa mga gameshow o reality challenges ay gawain lamang ng mga hopeless na tao. Iyon bang mga walang magawang matino? Mga gustong mag-artista at magpa-epal sa TV. Pero mali ako. Kita niyo ako? Sinuwerte. Pero ang totoo, medyo hopeless nga rin ako. Hahahaha!
Hindi ko na ikukuwento kung ano’ng mga nangyari sa amin sa laro. Napanood niyo naman siguro. Sa sobrang excitement ko, halos 2 linggo akong hindi makatulog. Nai-announce ko nga nang saksakan ng aga sa Friendster at Facebook at con todo pa ako mag-post ng pictures. Ang laki ng bilbil ko doon pero saan ko naman sila ilalagay?
Pero ang talagang naisip ko ngayon ay ang mga dinaranas ng mga tao na sadyang abot langit ang determination para lang makasali sa mga palaro sa TV at manalo dahil sa paniniwalang ito ang magdadala sa kanila sa tagumpay at mag-aahon sa kanila mula sa lusak ng kahirapan. Tulad na lang ng walang kasingsukat na determination ng kuya ko. At iyon ay mahabang kuwento.
SCENE 2- SCENE 2:
Ang unang game show na nasalihan ko ay noong college pa ako. Ang game show na iyon ay pantanghaling palabas rin mula sa isa sa mga malaking network sa Pilipinas. Kaya ako nakasali doon ay dahil nabunot ang aking entry at napasama ako sa isandaang participants ng laro.
Ala una y media ng hapon pinapapasok ang mga contestant sa set pero dapat ay alas otso y media pa lang ng umaga ay naroon na. Dahil madaming coaching na nangyayari. Lahat naman scripted. Ituturo sa inyo ng coordinator (o kung ano pa mang tawag sa kanya) ang tamang pagpalakpak, tamang pagngiti, tamang pagchi-cheer at tamang pagpasok mula sa backstage. Pinag-make-up niya rin kami para naman daw hindi kami mukhang dugyot sa harap ng camera. Pinagsukat din niya kami ng t-shirts na uniform namin para sa laro. XL pa lang ang size ko noon.
ANG ONE MILLION PESO QUESTION:
ANONG PABORITONG SUOTIN SA PAA NI LOLIT SOLIS?
Hindi ko alam kung ano’ng sagot. Malay ko ba, ano? Ang isip ko noon ay occupied ng test ko kinabukasan sa Physics. College pa kasi ako noon eh. Hindi ko na napindot ang buzzer. Nang mauna sa buzzer at makasagot ang isang ale ay nag-iiiyak na ito dahil ang sagot niya ay tsinelas. Tama siya!
Ang totoo niyan ay hanggang finals lang ako. Hindi na ako nakalusot sa jackpot na 1 million pesos. Mula sa isandaan, bababa ito sa sampu hanggang sa isa na lang ang matira at papalaring manalo sa roleta ng kapalaran.
Ang siste, ipi-feature daw ang buhay ng mananalong contestant at pupunta sa bahay nito ang staff ng programa para naman ma-cover kung gaano siya kahirap bago sumali ng laro.
Kung nagkataon, ayoko.
SCENE THREE:
Ayoko na sumali sa mga pa-audition dahil wala naman akong appeal. Hindi ko na pinatos ang Big Brother o Star Struck noon kahit gusto ko. Ang laki ng bilbil ko ay hadlang kaya hindi na lang. Marunong ako sumayaw, kumanta, umarte… pero feeling ko hindi talaga ako mapipili.
Pero isang araw, may na-receive akong text:
“Inaanyayahan ka ni Banker na pumunta sa audience entrance. Dalhin ang mga sumusunod… Huwag burahin ang text message na ito. Look for our director for confirmation. Please come before 8AM- Monday. Call 1234567 if you have questions. Punta u, ha? J”
Nagmadali ako nang dumating ang Sabado. Pumunta ako as directed. Ang daming tao. Akala ko ako lang! hahaha!
Inabutan ako ng guard ng isang application form na may mga essay question. Ito ang ilan sa mga natatandaan kong tanong at ang sagot ko:
1. Kung mananalo ka ng 2M piso, ano ang gagawin mo?
- Kung ako po ay mananalo, una po ay kukunin ko muna ang premyo ko. Tapos, hahanapin ko po si Vicky Belo dahil magpapa-lipo po ako.
2. Ano sa tingin mo ang parte ng buhay mo kung saan ginawa mo ang lahat para lang magtagumpay?
- Nag-gym na ako, after 6, Xenical, no rice diet, skyflakes and milk meal, Kankura at Kankunis, oatmeal everyday, wala pa ring nangyari.
3. Willing ka bang isugal ang pera mo kung lalaki naman ito ng doble?
- Hindi po ako mukhang pera. Basta may pera, masaya na ako. At hindi po ako mahilig sa sugal.
4. Kaya mo bang ibili ang 1M pesos sa pamamagitan lang ng pagsa-shopping? Anong mga bagay na bibilhin mo?
- Feeling ko po kakayanin basta huwag niyo akong mamadaliin. Bibili ako ng celfones, computer, bagong refridgerator, bahay at lupa… kulang pa pala ang isang milyon. Pwede dagdag?
5. Bakit ka karapat-dapat manalo ng 2M pesos?
- Lahat ng tao karapat-dapat. Pero ang masasabi ko lang, hindi ako masamang tao. Gagamitin ko sa kabutihan ang pera kung ako ang magkakamit niyan. Saka magbibigay ako sa dapat bigyan at magtatabi rin para sa sarili ko.
Ipinasa ko na sa guard ang questionnaire pagkatapos ko itong sagutan. Tatawagin na lang daw ang pwedeng pumasok sa loob para sa ikalawang exam. Dalawang oras ang nagdaan at na-check-an na lahat ng papel. Mahigit 200 yata kami.
Hindi ako natawag. Bakit kaya?
Uwi na lang ako.
STORY NUMBER 3:
Evaluator: Bakit kita dapat piliin para maglaro sa game show namin?
Ako: Dahil hindi ako nagpunta rito para i-reject mo.
Evaluator: Ano ang gagawin mo sa sampung milyong piso kung ikaw ang mananalo?
Ako: Kukunin ko muna. Tapos, ba-budget-in namin. Sa totoo lang po, ang hirap po isipin all at once kung ano gagawin natin. Kayo kaya biglang manalo ng ten million pesos kung di kayo mawindang?! Di ba, po?
Evaluator: Satingin mo, pwede ka naming isali sa Guiness Book of World Records?
Ako: Bakit po?Kayo po ba yung naglalagay ng mga featured people doon?
Evaluator: Ano ang kakaiba sa buhay mo na pwede mong ikwento?
Ako: Magandang tanong po iyan sir. Ang maging ako ay kakaiba na. Hindi mo kayang maging ako. Hindi rin nila kayang maging ako. Ako lang ang makakagawa noon. At ang maging ako ay kakaiba. Hehe!
Evaluator: Okay, thank you. Tatawagan ka na lang namin.
Ako: Okay. Thank you rin.
Isang buwan ang lumipas. Walang tumawag.
ANG MGA GRUPO
Pero ang hindi nalalaman ng tao ay ano na ang mga nangyayari sa mga contestants bago sila makasali. Ako? Wala naman nangyari sa akin. Okay lang ako.
Pero sa totoo lang, sa ilang audition na na-experience ko, masasabi kong may ilang grupo ng tao na akong nakilala.
Contestant number 1-10: THE EMOTIONAL GROUP
“Galing pa akong Cavite (o kung saan mang malayong planeta). Nangutang lang ako sa kumare ko ng pamasahe papunta dito. Iniwan ko ang mga labada ko nang malaman ko na napili akong maglaro. Pinabantayan ko muna ang mga anak ko sa kapitbahay namin. Hindi pa nga ako nag-aalmusal eh. Pero sana manalo ako. Kapag nanalo ako, magpapatayo ako ng bahay, makakauwi na ako sa mga kamag-anak ko sa Basilan, magpapakain ako sa mga kaibigan ko… ”
Pero umuwi silang talunan. Umiyak na lang sila dahil hindi nila alam kung paanong kukumpletuhin ang nabawasang saktong pamasahe. Minsan nga, hindi mo pa tinatanong, umiiyak na. Sa’n pa lulugar ang mga makabagong emo?
Contestant number 11-20: THE CIRCLE OF FRIENDS
“Uy! Pare! Long time no see!”
“Uy, tol, kumusta ka na? Hindi ko akalaing magkikita na naman tayo!”
“Oo nga eh. Parang kahapon lang nandoon tayo sa kabila ngayon andito naman tayo!”
Sila-sila rin pala kasi ang laging nagkikita sa mga pa-contest na ganito. Audition dito, audition doon, natatagpuan nila ang isa’t-isa at nagiging magkakaibigan na sila pagkatapos. Pero talo pa rin sila. Umuwi na lang sila at sumugod naman sa ibang lugar at doon maghahanap ng swerte.
Contestant number 21-30: THE PAPARAZZI
“Gusto ko lang naman makita sa personal si Heart Evangelista, Shaina Magdayao, Gary V, Geoff Eigenmann, Arnel Ignacio, Pia Guanio, Aiza Marquez, Willie Revillame, John Estrada at kung sino-sino pang artista! At saka idol ko rin pala si Kris at si Korina.”
Mga echuserang mahilig sa artista. Talo rin sila pag-uwi. Pero may picture naman at kaway mula sa paborito nilang artista. At may bago na namang uploaded pictures sa Friendster at Facebook.
Contestant number 31-40: THE SILENT KILLER
“^_^”
Tahimik. Walang imik. Andun lang sa isang tabi. Kinukuwentuhan ng iba pero tango lang ng tango. Hindi nagsasalita. Naniniwala sila na kapag tahimik sila, mas malinaw ang isip nila para masagot ang mga tanong sa gameshow. Ayaw nila ng hyper masyado dahil baka sila matalo.
Pero in fairness, kadalasan, ang karamihan ng mga winners ay nanggagaling sa grupong ito.
Pero, minsan dahil wala silang energy tingnan, tinatanggal na rin sila.
Contestant number 41-50: THE CENTER OF DISTRACTION
“Talo na iyan. Kita mo o! Paano iyan mapipili? Walang dating. Uwi na lang kayo.”
Sila ang mga detractors. Kadalasan nilang banggain ang mga grupong nabanggit sa Contestant no: 31-40. Pero puro lang sila yabang. Mga boblaks naman talaga sila. Iniisip nila sa pande-destruct/distract nila ay mababawasan ang mga kalaban nila.
Mas madalas sa kanila galing ang mga certified “yaya“… such a loser!
Contestant number 51-60: ANG MGA TAONG LABAS
Hindi naman talaga sila sasali. Ang totoo, gusto lang nila makakain. Minsan kasi, may mga pakain ang sponsors ng mga gameshow audition. Ang mga 51-60 iyong mga makikita mong nanlilimahid pero anlakas ng loob sumali sa audition. Makikikain lang naman pala. Gusto rin nila ng freebies para may souvenir.
Contestant number 61-65: KATUWAAN LANG
Nago-audtion just for fun! Konti nila no?
Constestant number 66-70: MGA PINILIT… DAW?
“Bakit ka nandito?”
“Pinilit lang ako eh. Sinamahan ko lang sila.”
Mukha niyo! Mga ulol! Akala niyo hindi ko alam? Tagal niyo na nago-audition di nga lang kayo natatanggap. &^&^$%^$^% pala kayo eh!
Contestant number 71-80: LES DESPERADOS
“Si Kyeme nga ang pangit, sumikat. Ako pa kaya?”
“Si Cherlala nga, hindi nakapag-aral, napili. Ako rin! Sure iyon.”
“Wala naman akong kalaban dito kundi ang sarili ko.” [Talaga? Paano mo pa matatawag na competition ito? Uwi ka na nga!]
“Ang buhay ko po ay parang si Cheorvamus. Mula sa kahirapan papunta sa tagumpay. At dahil ako ay mula sa hirap… please lang! Piliin niyo ako.”
“Ah… pwede isa pa po? Isa na lang. Bakit si Ganyan, binigyan niyo ng chance. Dapat ako rin.”
“Miyembro po ako ng teatro kaya magaling ako sa kahit ano.”
Oo na…
Neeeeeeeexxxxxxxxxttttttttt!
Contestant number 81-90: THE GREAT PRETENDERS
“Pare ang galing mo naman!” -pero ang totoo pero pinagtataawanan naman talaga niya iyon dahil nadapa si Pare habang nagsasayaw at nage-exhibition.
“ah.. iyon ba? Alam ko iyon!”-pero ang totoo, hindi naman niya alam.
“Dapat ganito.. dapat ganyan…”- tip daw pero ang totoo nagmamarunong lang sila.
“Ah… alam mo kase…”-sabay hawak sa beywang ni Manong Manyak na Contestant Din kay Miss Aspiring Teen Idol para maka-chansing lang!
“Ayos tol!”-may masabi lang.
Contestant number 91-100: ASK THE EXPERTS
“Sige pare, diretso ka lang diyan. Tapos, kanan ka doon. Punta ka na lang sa guard. Hingi ka ng number. Tapos sagutan mo iyong form. Tapos balik ka sa guard. Ipasa mo iyong form at hintayin mo na matawag ka. Mag-ayos ka kasi ibi-VTR yata tayo. Isa-isa tayo tapos tatanungin. Iyong iba nga umiiyak. Pwede ka rin kumanta at sumayaw kung marunong ka. Magkukuwento ka ng buhay mo. Dapat mukha kang masaya at lively! Kung magaling kang umarte mas maganda. Tapos, sabihin mo, mahirap lang kayo. Ang puti mo naman masyado! Baka hindi paniwalaang mahirap ka lang. Paaraw ka onti diyan sa baba para magkakulay ka. Tapos, sabihin mo, guwapo/maganda iyong magi-interview sa iyo saka avid viewer ka nung gameshow! Para plus points! Tapos sabihin mo, willing to travel ka. Sige, pare! Good luck sa iyo! Kapag sinabi sa iyong tatawagan ka na lang, 50-50 iyon. Basta! Audition lang! Kahit magmukhang gago ka, okay lang iyan, hindi naman nila ibo-broadcast iyan. Mawawalan ka nga lang ng pride pero at least di ka magnanakaw! Sige tol! Saka nga pala, gawa ka ng bagay na matatandaan nila sa iyo. Gusto nila iyon. ”
Sila ang mga experts at professionals pagdating sa audition! Sila ang bumubuo ng halos kalahati ng populasyon ng mga game show avid audition-ers na makikita mo sa contest crowd!
Manalo, matalo… cute pa rin sila!
Manalo, matalo, go pa rin!
Never say die. Tomorrow is another day.
Think positive, huwag kang aayaw.
Ang umaayaw ay di nagwawagi. Ang nagwawagi ay hindi umaayaw.
Daig ng maagap ang masipag. Pero kaya nilang daigin ang lahat basta may audition.
At higit sa lahat: Di bale na’ng magdildil ng asin basta may sariling bahay! Hahaha!
OUTRO:
Hindi ko alam kung saan ako diyan. Pero more of 31-40. Ayus ba iyon?
Me ganon? Hahahaha!
Bow! Mwah! Mwah! Mwah!
-close curtains-