MINSAN SA DECENA STREET…

Halos limang taon na rin akong nakatira dito sa Quezon City pero hindi ko pa rin alam kung nasaan ang Luzon, Visayas at Mindanao Avenue. Hindi ko pa rin kilala ang lahat ng mga Congressmen and Congresswomen. Taga-Pasay kasi ako talaga at si Peewee Trinidad lang ang alam kong Mayor dati. Akala ko nga, siya na ang Mayor ng buong Pilipinas.

Napakaswerte ko na rin na dito ako nakatira. Dahil mas mataas ang kinalalagyan ng QC kaysa sa Pasay. Ang pagkakaalam ko, below sea level ang Pasay kaya madali kaming bahain noon. Dito sa QC, hindi pa kami binabaha.

Naaalala ko pa na tuwing umuulan sa amin (Pasay), yung tipong malakas na hindi humihinto, kumukuha ako ng isang strip ng papel na makukuha ko sa kung saan man sa bahay namin at isinusuksok ko sa butas ng aming kahoy na sahig. Kapag nabasa ang papel, aabutin kami. Pero sa tuwing malapit nang mangyari iyon, may kung anong forces ang nagpapahinto sa ulan at never kaming inabot ng tubig. Kung nagkataon kasi, mabubulok agad hindi lang ang sahig kundi ang buong bahay dahil gawa ang lahat sa kahoy maliban sa bubong na gawa sa Swarovski (charing lang, siyempre sa yero.)

Pero hindi ko maiwasang ma-miss ang mga alaala na mayroon sa dati naming lugar.

ANG MGA KALORKEY NA KAPITBAHAY AT SEMI-KAPITBAHAY

Hinding-hindi ko sila makakalimutan. Nakakatuwa sila na nakakatawa na nakakaasar na nakaka-miss.

Las Chismosas - madami sila. SIla ang mga butihing maybahay na ang ginagawa maliban sa pagpasok sa trabaho at pag-aalaga ng anak ay magtsismisan. Hindi ko alam kung anong pinag-uusapan nila. Pero ang masarap sa ginagawa nila ay iyong hingutuhan ako. Marami kasi akong kuto noong bata pa ako at napakahaba pa ng buhok ko. Tuwing umaga, tatawagin nila ako sa bahay namin at uupo ako sa hagdanan. Tapos magkukumpulan sila sa ulo ko; tik-tik-tiris; may dalang 50ml na gaas at sisilaban ang ulo ko (joke lang… )-siyempre, ang gaas daw ang pampatay sa kuto.  Nang maubos na ang kuto ko, nag-away sila sa hindi malamang kadahilanan.

The Tanggeros - isang grupo sila ng mga kalalakihan mula sa iba’t-ibang lugar sa Decena. Malayo na nga ang pinanggalingan ng iba pero sa ngalan ng Quadro Kantos ay nagtitipon sila. Kundi man araw-araw ay maya’t-maya. Walang uwian. Pwede mo rin silang tawaging The Gamblers dahil sa makabagbag-damdaming Tong Hits nila. Sila rin ang mga Alagad ni Kuya Germs dahil hindi na sila natutulog hangga’t hindi nababawi ang mga naipatalo sa sugal. Minsan naman, mga Henyo sila dahil sa sobrang kalasingan nila, bigla silang gumagaling mag-English. They talk about Politics and Economics, pati Science and Technology at pagkatapos, magbubugbugan na sila.Pag nahimasmasan na sila, parang walang nangyari. Bati na silang lahat. And history will just repeat itself.

La Banderas - sila ang mga katulong nina Koya at Ati. Nagtitipon-tipon tuwing hapon dala-dala ang mga inaalagaan nilang mga bata. Tsismisan din at kuwentuhan ng mga Dodong of their lives na walang humpay. Mga in-love palagi na akala mo kinikiliti ang kiki kapag tumatawa sila.

Ang mga Hip-Hop Bulok - (hindi ko sinasabing bulok ang Hip-Hop, okay?) sila ang grupo ng mga kabataan na ewan ko kung bakit para sa kanila, cool ang vandalism at batuhan ng bote. Cool din para sa kanila ang buntisin ang mga syota nila na sobrang bata pa, at cool din para sa kanila ang cutting classes. Cool din ang paga-alter sa school uniform at cool din ang kumain ng ice candy at halos nahuhubaran na sila sa sobrang luwang ng damit nila.

The Hammer Girls - wala nasilang pinag-usapan kundi ‘’pok-pok si ganito.. si ganyan…” Sila-sila rin naman iyon.

Si Aling Pasing - siya ang taga-singil ng tubig sa amin. Lagi niyang binabantayan ang lahat ng nag-iigib sa poso para siguruhing magbabayad ang lahat pagkatapos nilang mag-igib.

Sound Masters - walang palya sa palakasan ng sound system as early as 5:00 AM!

ANG MGA CUTE NA KALARO

Madami akong childhood friends noon. Pero mayroon akong super natatandaan talaga, sina Yeyeng at Lallie.

Silang dalawa, kasama ako.. lagi kaming niloloko ng mga kapatibahay. Mga tabachoy kasi kami noon (ako hanggang ngayon) at parang lagi kaming magkakasamang tatlo. Pareho rin kami ng pinasukang eskuwelahan noong elementary. Halos magkakamukha na nga kami noon dahil palagi daw kaming magkakadikit. SI Lallie ang pinakamatangkad, sumunod si Yeyeng at ako ang punggok.

Naalala ko pa noon, may bagong gawang lamesa si Mang Tony at sa tuwa naming tatlo, inupuan namin yun.  Inuga, lumangitngit. Isang uga pa. Ayun, nawasak. Imbes na magalit, tumawa na lang kaming lahat.

Kaming tatlo yung may crush kay Juni kasama ng iba pa. (naaalala ko pa yung cheer namin kay Juni: “Manalo, matalo, cute pa rin kami!”)

Ngayon, may kanya-kanya na kaming buhay.

ANG MGA OUTSIDERS

Naaalala ko sila tuwing umuulan. Kasi, sila iyong mga batang taga-labas at pumapasok sa looban namin tuwing baha. Nagmumukha kasing kids’ swimming pool ang basketball-an sa amin at tuwang tuwa sila maglangoy doon. Maitim man ang tubig dahil sa durog na lupa at lumot, okay lang basta masaya sila. Nagdadala pa sila ng mga salbabida para lang ma-feel ang ambiance. At nuknukan sila ng ingay to the point na gusto mo nang kumuha ng shot gun at barilin sila isa-isa!

ANG MGA SIDEWALK CHEF

Sila ang favorite ko sa lahat! Hinahanap-hanap ko ang mga:

1.       matamis na timpla ng betamax, hotdog, balat, adidas, isaw at kung ano-ano pa na niluluto noong nag-iihaw na iyon. Hindi ko alam ang pangalan niya pero napakasarap ng lahat ng tinda niya.  Ang sarap iulam sa kanin! At ang ulo ng manok… said!

PS: Kahit saan ako magpunta, walang makagaya ng lasa at paraan kung paano niya ginagawa lahat ng tinda niya.

2.        masabaw na sopas at champorado ni Bongcato,

3.       ice candy na may sago,

4.       tagpi-pisong tinda ni Mang Johnny (Promise! Lahat piso lang! Banana cue, juice, hotcake… saan ka makakahanap noon?),

5.       goto ni Kuya Tony na maraming bawang at chives at isang sirit ng kalamansi!

6.       ispageti ni Ate Nova na kahit alas-singko y media pa lang ng umaga ay malapit nang maubos.

7.       ice candy rin na mukhang shake na tigdo-dos kasi naman ang laki at ang sarap din!

8.       tindang ulam at softdrinks sa Sykason’s Jade apartment kung saan nakatira si Juni.

9.        burger ni Ate Perry na kahit alas-tres ng umaga, basta gising pa sila ay ipagluluto ka, fresh from the parlor. (kasi ang parlor nila, tindahan din!)

10.   Cheepee at Muncher  ni Mamang

Hay… wala na kasi ng mga iyan dito.

ANG PUNO NG BALETE

May napakalaking puno ng balete sa looban naming at kahit pinutol na ay tumutubo pa rin at napakalaking talaga! Alam niyo na ang classic na kuwento, may White Lady raw doon.

ANG PUNO NA EWAN NAMIN

Walang nakakaalam kung anong pangalan ng puno na iyon na nasa poso. Pero maganda siyang taguan ng mga bata kapag naglalaro ng tagu-taguan at hide out ng mga magsyotang gustong maghalikan muna nang  bonggang-bongga; torrid kung torrid bago sila magpaalam sa isa’t-isa.

SI RICKY, OMPONG, YOSI, POP, MARCELO and COMPANY

Hindi ko na maalala ang exact members ng grupo nila. Pero si Ricky ang adik sa Philip, si Yosi naman, maliban sa adik sa yosi ay nahuling “nag-yu-you know” habang namboboso sa isang dance studio ng mga seksing Japayuki, si Ompong naman, adik sa softdrinks anytime of the day at ganun din si Pop. Lahat sila ay wala sa katinuan. Ewan ko ngayon. Hindi ko rin alam kung buhay pa sila. Madalas silang pakalat-kalat sa daan noon at kakalabitin ka na lang bigla, “Pengeng Piso!” Hindi naman sila nanakit, sa pagkakaalam ko.

PS: Nagawan sila ng kanta ng mga bata sa amin dahil sa kanilang samahan. Hanggang ngayon, alam ko pa rin ang kantang iyon. Na-LSS ako noon ng 3 araw nang kantahin sa akin iyan ng kapatid ko.  Hindi ko rin alam kung si Marcelo at si Pop ay iisa.

ANG MGA ASPINS

Mas politically correct daw ang ASPINS kaysa sa ASKAL. Sinong makakalimot sa kanila? Kahit saan ka magpunta, naroon sila. Mamaya lang, may manganganak na aso na at kanya-kanyang hingian ng tuta. Tapos isa-isa rin namang mamamatay ang mga tuta kasi hindi naalagaan. Pero mamaya rin, may mga nagchu-chukchakan na uli diyan sa tabi. At magkakatuta na uli.

HInabol na rin nila akong minsan, kinagat, kinalmot. At ginulpi at pinulutan naman sila ng taumbayan.

Pero love ko pa rin sila.

PS: Pinangalanan din sila ng mga kapitbahay namin pero di ko na maalala masyado. Ang naaalala ko lang ay sina Oha, Malnoris, Tootchie, Whitey, Charlie, Spike…

ANG HALLOWEEN TRIP

Mababaw lang ang kaligayahan naming bilang mga bata noon. Hindi naman uso ang trick or treat sa amin kaya ang ginagawa namin, nanggugulo na lang kami. Sa gitna na solemn na katahimikan sa pag-alala sa Undas, naroon kami at ng ilan pang mga bata dala ang isang malaking lumang manika, tatalian at ibibitin pataas. Kapag may dumaan, gugulatin naming sabay bitaw sa tali na nakapulupot sa leeg ng manikang kamukha ni Chaka Doll.

ANG MABABANG PADER

Sinong nakagiba? Ako.

Paano?

Isang araw, mahaba ang pila sa poso. Matagal pa bago ako.

Sumandal ako sa mababang pader.

Blag!

Wasak ang kawawang pader.

Kinabukasan, wala na silang sandalan.

——————————————————————————————————————————————

Nang mapag-desisyunan nang mga may-ari ng looban namin na kunin/ibenta ang kanilang mga shares sa lupa, isa-isa nang nagsi-lipatan sa ibang lugar ang mga nakatira doon, kabilang ang aming pamilya. Ngayon, giba na raw ang lahat ng bahay na nakatayo doon.

——————————————————————————————————————————————

Pero kahit kalian, wala nang sasaya pa sa aking mga karanasan doon kahit ano pang sabihin nila. Wala nga lang akong naging buhay pag-ibig doon at pati ba naman dito sa QC wala pa rin?

Hay…



3 Comments so far

  1.   akiyo on October 20th, 2009

    wow ate Glaiza.. kawawa naman yung mababang pader.. hekhek.. Good Job ate Glaiza..

  2.   mae on October 21st, 2009

    naks! nag reminisce. hehe. i applaud ur work. naks! bravo :D
    -mae

  3.   gian on October 21st, 2009

    nkapunta lng ako d2 sa fs dahil sa blog update mo… nice work…

Leave a Reply